5 lalaki, patay sa umano'y anti-drug operation ng mga nakasibilyang pulis
Limang lalaki na gumagamit umano ng iligal na droga ang napatay sa sinasabing operasyon kontra-droga na isinagawa ng mga pinaniniwalaang pulis sa Novalichez, Quezon City nitong Martes ng gabi.
Ang kaanak ng ilan sa mga napatay, labis ang hinanakit dahil parang hayop lang daw na pinatay ang kanilang mahal sa buhay.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawi na sina Mark Anthony Pidlawan, Ryan Trinidad, alyas "Goma," alyas "Batang," at isa pang di pa nakikilalang lalaki.
Magkakasama umano ang lima sa barung-barong na pag-aari ni Trinidad sa barangay Santa Lucia sa Novaliches nang dumating ang mga pinaniniwalaang pulis na nakasibilyan.
Ang ina ni Pidlawan, aminadong gumagamit ng droga ang kaniyang anak pero nangako na raw itong magbabago sa pagpasok ng 2017.
Hindi rin itinanggi ng kinakasama ni Trinidad na dati itong gumagamit ng droga pero matagal na raw nagbago.
Pero sa halip na pinatay na wala umanong kalaban-laban at parang hayop, dapat daw dinakip na lang sila.
Kuwento pa niya, pinasok ng mga nakasibilyang pulis ang kanilang bahay at pinalabas sila kasama ang kanyang mga anak.
Hindi nagtagal ay nagkaroon na umano ng mga putok ng baril.
Sabi pa nito, wala raw binanggit ang mga pinaniniwalaang niyang pulis kung bakit pinasok ang kanilang bahay.
At kahit hindi rin umano nagpakilala ang mga pumasok na lalaki, nalaman niyang pulis ang mga ito dahil mayroon siyang namukhaan.
Hindi pa nagbigay ng pahayag ang QC Police District tungkol sa insidente dahil patuloy pa umano ang kanilang imbestigasyon. -- FRJ, GMA News