ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

5 lalaki, patay sa pamamaril sa Laguna; 3, patay naman sa buy-bust sa Navotas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Limang lalaki— kabilang ang isang menor de edad— ang nasawi sa pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa harap ng isang paaralan sa Laguna. Sa Navotas City naman, patay ang tatlong lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's "QRT" nitong Biyernes, sinabing sakay ng dalawang motorsiklo ang mga salarin na bumaril at nakapatay sa limang biktima sa harap ng isang paaralan sa barangay Canlalay sa Biñan, Laguna, nitong Huwebes ng hatinggabi.

Onsehan sa droga o gantihan ng magkaaway na grupo ang tinitingnan ng mga awtoridad na posibleng motibo sa pamamaril.

Hindi naman matanggap ng mga kaanak ng mga biktima ang sinapit ng mga ito.

Hindi raw nasasangkot sa anumang iligal na gawain o kaguluhan ang mga biktima.

Bumuo na ng task group ang Biñan police para mareresolba ang krimen.

Sa Navotas City, napatay naman ng mga awtoridad sa buy-bust operation matapos umanong manlaban sina Rwel Rustia at magkapatid na Marlon at Maximo Pepito, sa barangay North Bay Blvd South.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV's "Balitanghali' nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na ang magkapatid na Pepito ang pakay ng buy-bust operation dahil sa patuloy na pagtutulak umano ng droga.

Nasa loob daw ng bahay ng magkapatid na Pepito si Rustia nang isagawa ang operasyon pero nakatalon sa bintana at saka napatay ng mga humabol na awtoridad.

Pero iginiit ng naghihinanakit na asawa ni Rustia, nadamay lang ang kaniyang mister.

Narekober umano sa mga napatay ang dalawang sumpak, isang kalibre .38 na baril at ilang sachet na may laman na hinihinalang shabu. -- FRJ, GMA News