ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hayop na lumalapa sa mga pato, palaisipan sa mga residente sa Nabua, CamSur


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naalarma ang ilang residente sa isang barangay sa Nabua, Camarines Sur dahil sa misteryosong pagkamatay ng mga alagang pato na hinihinalang kagagawan ng hindi pa matukoy na hayop.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," umaga nitong Miyerkules nang makita ng mga residente sa palayan sa barangay Bustrac ang mga patay na pato.

Wakwak umano ang tiyan at lamang-loob ng mga pato, putol ang mga paa, at halos wala nang dugo.

Ayon sa isang residente, madaling araw nang makarinig siya ng kakaibang tunog na parang ngumunguya pero hindi na niya ito sinilip.

Noong nakaraang taon, nasa 20 pato at itik din umano ang nilapa ng hindi pa nila malamang uri ng hayop.

Upang malutas ang misteryo, sinabi ng ilang residente na magbabantay sila sa gabi upang mahuli at malaman kung anong hayop ang umaatake sa mga alagang pato. -- FRJ, GMA News