Babaeng naghihintay sa kaniyang mister, tinangay at ginahasa umano ng pulis
Isang pulis ang dinakip matapos siyang ireklamo ng panggagahasa ng isang babae sa loob ng sasakyan sa Calamba City, Laguna.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabi ng 34-anyos na biktima na hinihintay niya ang kaniyang mister sa gilid ng kalsada nang tumigil ang isang sasakyan na minamaneho umano ni Police Inspector Aaron Cabillan.
Nagtanong umano muna ng direksyon si Cabillan sabay bunot ng baril na itinutok sa biktima.
Sapilitan daw siyang pinasakay ng pulis sa sasakyan nito at saka dinala sa isang madalim na lugar sa Canlubang kung saan ginawa umano ang panghahalay.
Hindi na umano nakapalag ang biktima dahil sa baril na nakatutok sa kaniya.
Amoy alak din umano ang pulis, ayon pa sa biktima.
Nahuli si Cabilla nang dumating ang mga pulis na nakapansin sa nakaparada nitong sasakyan habang ginagawa ang panghahalay.
Dinala sa istasyon ng pulisya si Cabilla na tumanggi umanong magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News