Pamamaril sa barangay chairman sa labas lang ng barangay hall, nahuli-cam
Patay ang isang punong-barangay sa Tondo, Maynila matapos siyang barilin ng riding-in-tandem habang nakaupo sa labas ng barangay hall nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nakikipag-usap sa tanod sa labas ng barangay hall si barangay 106 zone 8 chairman Tito Caldoza, Jr., nang bigla itong barilin ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.
Nakatakbo pa ng ilang hakbang ang biktima bago pasubsob na bumagsak dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay.
Nakatakas naman ang mga salarin na naka-helmet at may takip umano sa mukha.
Ayon sa misis ng biktima, may natanggap na banta sa buhay ang kaniyang mister tatlong buwan na ang nakakaraan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga salarin at sa motibo ng krimen. -- FRJ, GMA News