Ginang, ginahasa umano ng bayaw sa harap ng dalawang batang anak
Itinali at saka paulit-ulit na ginahasa sa harap ng dalawang batang anak. Ito umano ang sinapit ng isang ginang sa kamay ng kaniyang sariling bayaw sa Manilabac, Camarines Sur. Dagdag na sakit sa biktima ang hindi umano pag-aksyon ng kaniyang mister nang isumbong ang ginawa ng kapatid.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing Enero 27 nang pagtatagain ng suspek ang dingding bahay ng biktima para makapasok.
Kasunod nito ay itinali na ng suspek ang biktima at saka paulit-ulit na ginahasa umano sa harap ng dalawa nitong batang bata.
Nang umalis na ang suspek, nagsumbong umano ang mag-iina sa kanilang padre de pamilya pero binalewala raw ng mister ang biktima.
Dahil dito, humingi na sila ng tulong sa punong barangay.
Ilang araw pa ang lumipas bago boluntaryong sumuko ang suspek sa pulisya para itanggi ang paratang.
Pero dinakip siya nang abutan siya ng biktima at ituro rin ng limang-taong-gulang na anak nito na nagsilbing testigo sa krimen.
Sakabila nito, patuloy na itinatanggi ng suspek ang paratang ng kaniyang hipag.
Dadalhin ang biktima at kanyang mga anak sa Haven for Abused Women.
Bago nito, isang lolo naman inakusahang gumahasa sa apat niyang apo na pawang menor de edad.
Isang lalaki rin ang inakusahan na humalay naman sa 12-anyos niyang stepdaughter.
Dahil sa mga insidente, naalarma na ang lokal na pamahalaan ng Minalabac. -- FRJ, GMA News