Mag-ama, 3 iba pa, patay sa magkakasunod na pamamaril sa Marikina
Lima lalaki—kabilang ang mag-ama— ang patay sa nagkakasunod na insidente ng pamamaril sa Malanday, Marikina nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "Saksi," sinabing nangyari ang mga pamamaril sa loob lang umano ng 15 minuto, at pawang nasa drug watchlist ng barangay ang mga biktima.
Unang binaril ng mga salarin na nakamotorsiko dakong 7:15 p.m. sa kanto ng Kabayani Road at Mississipi St. si Gerald Taduan, 36-anyos.
Pagkaraan ng limang minuto, binaril naman sa kanto ng Kabayani at Green St. ang 43-anyos na si Noel Dumate.
Halos kasabay nito ang pagbaril naman sa kanto ng Kingfisher at Owl Sts. sa mag-amang Regidor Dumasig Sr., 49-anyos at Regidor Jr., 25-anyos.
Huling biktima naman dakong 7:30 p.m. sa Kabayani Road ang 54-anyos na si Ernesto Ambos, na ayon sa mga kaanak ay hindi pusher at tumigil na sa pagdodroga.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente pero may hinala sila na maaaring agawan umano sa teritoryo ang motibo sa pamamaril. -- FRJ, GMA News