ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Exhibitionist' sa overpass, huli matapos isumbong ng biniktima raw niyang call center agent


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Arestado ang isang 21-anyos na lalaki matapos siyang ireklamo ng pambabastos ng isang call center agent na babae na ilang beses na umano nitong pinakitaan ng kalaswaan sa isang overpass sa C-5 road sa Pasig.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dinakip ng mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group si Regin Desoyo dahil sa pagpapakita umano ng kalaswaan sa nagreklamong biktima.

Sa video na ini-upload ng biktima sa social media, makikita si Desoyo habang nakaupo sa bangketa matapos arestuhin ng mga awtoridad.

Maririnig sa video ang tila pagbabanta ang lalaki sa biktima kapag ipinakalat daw ang naturang video sa social media.

Ayon sa biktima, dakong 9:00 am nang mangyari ang pagpapakita sa kaniya ng kalaswaan ni Desoyo sa ibabaw ng pedestrian overpass.

"Tinawag niya ako na ate, 'di ko na naintidihan yung sinabi niya kasi paglingon ko po, nakababa na yung pantalon niya," saad ng biktima.

Ganito rin umano ang ginawa sa kaniya ng lalaki nitong Huwebes ng umaga.

"Naaawa po ako sa kanya pero the way he acted kanina, hindi ko po talaga ma-explain natatakot ako," dagdag ng babae na nanginginig sa nerbiyos.

Ayon sa mga awtoridad, may mga katulad na umanong sumbong ng pambabastos na nangyari sa naturang "overpass" na karamihan ng mga biktima ay call center agent.

Sa presinto, nagmakaawa si Desoyo sa babaeng nagpahuli sa kanya.

Ayon sa pulisya, maaaring sampahan ng mga reklamong unjust vexation and sexual harrassment si Desoyo.

Samantala, hinikayat naman ng HPG ang publiko na mangangailangan ng "police assistance" na huwag mag-atubiling lumapit sa kanila. -- FRJ, GMA News