ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
LOOK

Pangulong Duterte, nag-ninong sa kasal ng kanyang aide-de-camp


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagsilbing ninong sa kasal ang Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang Linggo sa pag-iisang-dibdib nina Police Senior Insp. Arvin Jumillo at Police Senior Insp. Romea Alnieza Kinang, ang kaniyang aide-de-camp.

Matatandaang pinag-usapan ang nakakaantig na wedding proposal ni Jumillo kay Kinang noong nakaraang taon, na naganap matapos ang talumpati ng Pangulo sa Butuan City, at nasaksihan hindi lamang ng mga opisyal at miyembro ng gobyerno at kapulisan, kundi maging ng buong bansa.

[WATCH: Cop re-promises forever to Duterte’s aide-de-camp

Dalawang araw bago ang Valentine’s Day, ikinasal sa isang Muslim ceremony sa Zamboanga City ang dalawang pulis, ayon sa ulat ni Marisol Abduhraman sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Martes.

Matapos nga niyang masaksihan ang kanilang engagement, naging espesyal na bisita ng mag-asawa ang Pangulo upang maging saksi naman sa kanilang pag-iisang-dibdib.

Payo ni Duterte sa bagong-kasal, huwag kalimutan ang pananampalataya sa gitna ng pagmamahalan.

“When you anchor your union in your faith, there is nothing that the two of you cannot overcome,” aniya.

 

Karl Norman Alonzo/PPD 

Mag-kaklase at kabilang sa PNPA Class of 2012 sina Jumillo at Kinang, at higit sa limang taon silang naging magkasintahan bago ikasal ngayong 2017.

Anila, isa raw ito sa pinakamaligayang araw ng kanilang buhay.

 

Albert Alcain

— Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News