Bangkay ng Indonesian, naipadala sa Pilipinas sa halip na Pinay OFW
Sa halip na makapagluksa, labis na nag-aalala ngayon ang isang pamilya sa Magalang, Pampanga. Bunga ito ng pagkakamali umano sa bangkay na naipadala sa bansa mula sa Dubai.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dumating nitong Huwebes ng gabi ang bangkay na inaasahan ng pamilya na sa kanilang kaanak na Pinay overseas worker na si Febie Guzman.
Pumanaw umano si Guzman sa Dubai noong Nobyembre dahil sa stroke.
Pero nang buksan na umano ng pamilya ang kabaong habang nasa punerarya, tumambad sa kanila ang bangkay na hindi nila kaanak.
Batay sa isang dokumento, isang babaeng Indonesian ang nasa kabaong.
Nangangamba ang pamilya na baka sa Indonesia naman naipadala ang bangkay ng kanilang kaanak.
Umaapela ngayon ang pamilya sa Department of Foreign Affairs na tulungan silang mauwi sa bansa ang bangkay ni Guzman.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pagkakamali sa bangkay ng OFW na naiuwi sa Pilipinas,
READ: Pamilya ng nasawing OFW sa Israel, nagulat nang maling bangkay ang ipinadala sa kanila sa Pilipinas
Noong nakaraang taon, isang pamilya rin sa Porac, Pampanga ang nagulat nang hindi nila kaanak ang nakitang bangkay na dumating mula sa Israel. — FRJ, GMA News