Driver ng SUV na suspek sa pamamaril sa rider ng motorsiklo, pinangalanan na
Pinangalanan na ng pulisya ang driver ng SUV na pinaniniwalaang bumaril at nakapatay sa nakaalitang rider ng motorsiklo sa Quezon City.
Sa ulat ng GMA News TV's "QRT" nitong Martes, kinilala ni Police Chief Supt. Guillermo Eleazar, Director-QCPD, ang suspek na si Fredison Ong Atienza.
Itinuturing umano ng pulisya na "armed and dangerous" si Atienza, na kanila nang tinutugis.
Si Atienza ang hinihinalang bumaril sa rider na si Anthony Mendoza, matapos na nakaalitan umano ng suspek sa D. Tuazon corner Quezon Avenue nitong Sabado.
Sinasabing nagkasagutan muna ang dalawa at saka binaril umano sa ulo ni Atienza.
Natukoy ang tunay na plaka ng puting Land Cruiser ng suspek matapos maghanap ng CCTV video ang mga awtoridad sa posibleng dinaanan nito.
Una rito, nagkaroon ng kalituhan sa imbestigasyon nang maling numero ng plaka ng sasakyan ang naunang naibigay ng isang saksi na gamit sa isang Avanza. -- FRJ, GMA News