ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kapitana ng barangay, sinundan bago binaril ng lalaking nagso-softdrink


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang barangay chairwoman sa Tondo, Maynila matapos siyang barilin sa isang eskinita. Ang salarin, nakunan sa closed-circuit-television camera na nakabuntot sa biktima habang umiinom pa ng softdrink.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Nenita "Neth" Acuña, kapitana ng barangay  200, zone 18.

Nangyari umano ang pamamaril nitong Miyerkules ng gabi, ilang hakbang lang mula sa barangay hall.

Sa kuha ng CCTV sa barangay, makikita ang grupo ni Acuña na naglalakad sa isang eskinita matapos umanong magkabit ng tarpaulin sa tapat ng barangay hall.

Kasama noon ng biktima ang barangay treasurer, isang kagawad at isang tanod.

Makikita rin sa video ang umano'y salarin na nakasunod sa kanila. Nakasuot ito long sleeves at may cap, at  umiinom pa ng softdrink.

Maya-maya pa, nagtakbuhan na ang mga tao sa eskinita dahil nabaril na pala ang biktima.

Kaagad na dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa tama ng bala sa ulo.

Palaisipan sa mga taga-barangay kung sino ang nasa likod ng pamamaril dahil wala umano silang alam na banta sa buhay nito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy motibo ng krimen at ang salarin.

READ: Pamamaril sa barangay chairman sa labas lang ng barangay hall, nahuli-cam

Nitong nakaraang Enero, binaril at napatay sa harap ng barangay hall si barangay 106 zone 8 chairman Tito Caldoza, Jr., ng mga salaring sakay ng motorsiklo. -- FRJ, GMA News

Tags: hulicam