Hatol kay Erap: Guilty, habambuhay sa kulungan
âGuilty beyond reasonable doubt." Ito ang naging hatol ng Sandiganbayan sa kasong plunder ni dating Pangulong Joseph Estrada nitong Miyerkules habang pinawalang sala siya sa hiwalay na kasong perjury. Ilang saksi ang nakakitang napaluha ang pinatalsik na pangulo nang marinig ang hatol at sentensya na habambuhay na pagkakaulong na iginawad ng korte. Inabot ng anim na taon ang paglilitis sa kaso. Napatunayang guilty si Estrada sa kasong plunder, isang krimen na dating may parusang kamatayan, subalit nang mapawalang-bisa ang "death penalty" law ay ibinaba ang parusa sa habambuhay na pagkakakulong. Ayon sa Revised Penal Code, ang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ay nagtataglay ng 20 taon at isang araw hanggang 40 taon na pagkakabilanggo. Abswelto si Estrada sa kasong perjury o ang hindi pagsasabi ng totoo tungkol sa kanyang yaman noong 1999 na ideneklara niya sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth. Samantala, ânot guiltyâ ang hatol ng korte bilang co-accused ni Estrada sa kasong plunder laban sa kanyang anak na si Senador Jose "Jinggoy" Estrada, at abogadong si Edward Serapio. Matapos manatili ng ilang oras sa Sandiganbayan, inihatid ng mga pulis pabalik sa kanyang resthouse sa Tanay, Rizal ang dating pangulo. Kasama sa hatol ng Sandiganbayan ang pagkuha sa tinatawag na Boracay mansion na pinaniniwalaang pag-aari ni Estrada at ang pagbawi ng mahigit P731 milyong halaga, kasama ang interes, ng nakadepositong pera sa dalawang accounts sa bangko. Ang Boracay mansion ay binayaran ng P142 million batay sa tseke na natunton sa Jose Velarde account sa Equitable PCIBank. Ang P731 milyong deposito ay binubuo ng P545 milyong protection money galing sa mga nagpapatakbo ng jueteng (kasama ang P200 milyong idineposito sa pangalan ng Erap Muslim Youth Foundation) at ang P189.7 milyon na idineposito sa Jose Velarde bank account bilang komisyon ni Estrada mula sa Belle Corp. na nagbenta ng shares of stocks na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon gamit ang pondo ng SSS at GSIS. Political decision "As expected, this Special Division was created to convict me," sinabi ni Estrada sa mga mamamahayag habang papalabas ng korte. Ayon sa dating pangulo, hindi niya piniling umalis ng bansa at imbes ay hinarap ang mga kasong nakahain sa Sandiganbayan sapagkat dito lamang niya maipaliliwanag ang kanyang sarili at malilinis ang kanyang pangalan. ''This is the only forum where I could tell the Filipino people my innocence,'' ayon kay Estrada na nagsabing maghahain siya ng apela sa Korte Suprema. ''That's why I took a gamble. I thought the rule of law will prevail over here. This is really a kangaroo court. This is a political decision,'' dagdag nito. Samantala, nagagalak ang prosekusyon sa lumabas na hatol kay Estrada. "This is the last chance for the state to show that we can do it, that we can charge, prosecute and convict a public official regardless of his stature," pahayag ni special prosecutor Dennis Villa-Ignacio. ''It shows that our judicial system really works,'' dagdag niya. Mapayapang protesta Hindi naganap ang inaasahang girian ng libo-libong taga-suporta ni Estrada at ng pinagsanib na pwersa ng militar at Philippine National Police (PNP) sa araw ng pagbaba ng hatol ng Sandiganbayan sa pinatalsik na lider. Nauna nang nagpahayag ang kaalyado ni Estrada na si Jose "Linggoy" Alcuaz na dadagsa ang 5,000 hanggang 10,000 katao bilang suporta sa dating pangulo nitong Miyerkules. Subalit ayon sa ulat na dumating kay PNP Director General Oscar Calderon, umabot lamang sa 700 na taga-suporta ni Estrada ang naharang ng pulisya sa harap ng Ever Gotesco mall sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City, malapit sa Sandiganbayan. âSo far, I'm happy that they (Estrada supporters) were quiet. They complied with our agreement and everything they have done has been legal," sinabi ni Calderon. Sa ibang lugar sa Kamaynilaan, wala nang napaulat na protesta sa PNP maliban sa isang rally ng mga empleyado ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) upang kundenahin ang âmass termination" sa kanila. Para kay Calderon, senyales ng mapayapang pagdaos ng pro-Estrada rally ang paggalang ng masang Pilipino sa desisyon ng korte at ang kahandaan ng pulisya na nananatiling nasa pinakamataas na alerto nitong Miyerkules. Subalit tikom ang bibig ni Calderon nang tanungin kung ang maliit na bilang ng mga nagprotesta ay indikasyon na humina na rin ang banta sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. "I don't want to comment on that but what I can say is the PNP, as well as the Armed Forces, and the government is ready for any violence that may arise. We will really observe the rule of law," sinabi ni Calderon. Sa kabilang banda, hindi pa ibababa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang red alert status nito bagamat naging mapayapa ang mga pagkilos sa Metro Manila kaugnay ng paghatol kay Estrada. âIdeally, we look at the threat situation, if the threat is still there. We will be conducting a situation analysis. Maybe by tomorrow (Thursday), we can do that (analysis)," pahayag ni Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, AFP public information chief. Subalit nagbabala si Ver Eustaquio, lider ng pro-Estrada Union of the Masses for Democracy and Justice (UMDJ) na magpaplano sila ng mobilisasyon sa mga susunod na araw upang kundenahin ang hatol sa dating Presidente. Nauna nang nanawagan sa mga taga-suporta ni Estrada si Ignacio Bunye, tagapagsalita ng Palasyo, na maging mahinahon. ''We hope and pray that the rule of law will prevail,'' ayon kay Bunye. ''Meantime, we have a country to run, an economy to grow and a peace to win. We hope that this sad episode in our history will not permanently distract us from this goal,'' dagdag niya. Inasahang hatol Bago pa man lumabas ang desisyon ng Sandiganbayan, nakita na ni Sen. Jinggoy Estrada na hindi hahayaan ng gobyerno na makalaya ang dating pangulo. ''If they'll acquit him, the first question of the people would be, what will happen to the sitting president?'' pahayag ni Jinggoy sa panayam ng dzBB radio. ''Her legitimacy would be questioned again. A lot of things would have to be undone if that happens. So in my opinion, they will really convict ... even without evidence,'' dagdag ng senador. Samantala, ang ilang taga-suporta ni Estrada na nagtungo sa Sandiganbayan ay hindi naniniwalang nagkasala ang kanilang idolo. âInosente talaga si Erap," ayon kay Charito Guinto, isang tagahanga ng dating presidente sa panayam ng GMA News. âKung hahatulan siya ng guilty, hindi titigil ang mga tao sa pagra-rally para maliwanagan ang mga hurado," dagdag ng 57-taong gulang na si Guinto habang bitbit pa ang larawan nina Estrada at Fernando Poe Jr. sa harap ng gusali ng Sandiganbayan. Pinasalamatan ng dating pangulo ang mahihirap na Pilipino na kinagiliwan siya bilang isang api sa kanyang mga nakaraang pelikula. ''I would have been nobody without the masses. They were there in the past, during my stardom and my presidency, my trial and up to now, even when I was already detained,'' dagdag ni Estrada. Reaksyon ng Palasyo Tila nabunutan ng tinik si Pangulong Arroyo sa guilty verdict ng antigraft court sa kaso ng kanyang pinalitan sa pwesto matapos ang EDSA Dos noong 2001. âI just talked to her a while ago⦠She (Mrs Arroyo) received the verdict well⦠She seems to be vindicated, in a sense," ayon kay chief presidential legal counsel Sergio Apostol. Bagamat pabor kay Mrs Arroyo ang desisyon, pinabulaanan ni Apostol na inimpluwensiyahan ng Palasyo ang desisyon ng Sandiganbayan. âMalacañang has nothing to do with it... Malacañang never intervened," dagdag niya. Hiniling din ni Apostol na paghilumin na ang mga sugat ng nakaraang alitan sa pulitika na nararapat lamang matapos ang desisyon ng Sandigan. âTapos na ang justice e 'di reconciliation ang susunod. Reconciliation with justice â 'yan ang sinasabi ng mga pari, di ba? Justice tempered with mercy⦠May justice na, reconciliation ang susunod," sinabi ni Apostol. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV