Mga sinampay, hindi pinatawad ng mga kabataang kawatan sa Maynila
Mistulang nag-shopping ang isang grupo ng mga kabataan matapos nilang puntiryahin ang mga naiwang sinampay sa labas ng isang bahay sa Maynila.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naganap ang pag-atake ng mga kabataang binansagang "midnight shopper" sa barangay 505, zone 50 sa Maynila.
Sa CCTV footage, nakunan ang mga kabataan na tila namamasyal lang pero nang makakuha ng tiyempo sa target na sinampay ay nagkanya-kanya na sila ng sikwat.
Makikita pa sa video ang dalawang salari na nagkumparahan pa ng damit na kanilang kinuha.
Ang biktimang may-ari ng mga nanakaw na sampay, hindi makapaniwala nang mapanood ang footage sa CCTV.
Inaalam na umano ng pamunuan ng barangay kung sinu-sino ang mga kabataang sangkot sa pagnanakaw.
Pero habang hindi pa nahuhuli ang mga kawatan, naniniguro na muna ang mga residente sa lugar at ipinapasok na sa bahay ang kanilang mga sinampay pagsapit ng gabi. -- FRJ, GMA News