Alamin kung bakit tiningala ng maraming tao ang sawang nakabitin sa Minglanilla, Cebu
Ano nga bang mayroong kakaiba sa isang sawa na nakitang nakabitin para literal na tingalain ng mga tao at nagdulot pa ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Minglanilla, Cebu.
Normal lang na makakita ng mga sawang nakalambitin sa mga sanga ng puno, pero ang sawang nakita sa Minglanilla at tiningala ng mga tao, nakitang nakalambitin sa kawad ng kuryente.
Ayon sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, nagdulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang sawa dahil hindi napigilan ng mga residente at motorista na tumigil at usisain ang ahas na may haba na anim na talampakan.
Sinubukan ng mga awtoridad na pagbagsakin sa kalsada ang ahas gamit ang airgun pero lalo lang umanong humigpit ang pagpulupot nito sa kable.
Nagawa lang na makuha ang sawa nang hindi nasasaktan nang dumating ang isang tauhan ng power utility at may dalang aerial ladder.
Dadalhin naman ang sawa sa kinauukulang ahensiya para maalagaan. -- FRJ, GMA News