Bus driver at konduktor sa viral video, posibleng patawan daw ng mas mabigat na parusa
Bagaman sinuspindi na ng bus company ng isang buwan ang driver at konduktor na nakunan sa viral video na nanipa ng traffic enforcer ng Quezon City, posible pa raw silang patawan ng mas mabigat na parusa.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagkaharap na sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inirereklamong driver ng Baclaran Metrolink na si Jefferson Dela Cruz, at konduktor nitong si Sameh Thawadi Jr.
Ang reklamo laban sa dalawa ay inihain ng traffic enforcer ng Quezon City na si Larry Chinel, at nakaalitan nilang motorcycle rider na si Jhuwan Roe Casidsid, na siyang kumuha ng video na nag-viral.
Pero kung maangas sina Dela Cruz at Thawadi sa viral video, naging tahimik naman sila sa ginanap na pagdinig sa LTFRB.
Giit ni Dela Cruz, nag-ugat daw ang gulo nang sumingit sa kanilang unahan si Casidsid habang nagbaba sila ng pasahero.
Taliwas ito sa naunang sumbong ni Casidsid na ang bus ang gumitgit sa kaniya at muntik na siyang matumba kaya siya nagsumbong sa enforcer na si Chinel.
Dagdag pa ni Dela Cruz, nagalit siya nang makita niyang kinukunan na siya ng video.
"Nung nakita ko na yung nagmomotor po ay kinukuhanan kami ng video, yun na po yung time na tumakbo ako para pigilan siya," paliwanag niya.
"Ayoko sana ma-video dahil syempre nasa kumpanya kami," dagdag ng driver.
Umalis din umano sila sa lugar kahit pinipigilan ni Chinel dahil wala naman daw silang nakitang tumatawag ng pulis.
Sa video, makikitang sinipa pa ni Thawadi ang enforcer bago sila nagmamadaling umalis.
Bagaman humingi sila ng paumanhin sa kanilang ginawa, desidido si Chinel na ituloy ang reklamo.
"Nakauniporme ako, karangalan po namin 'yan sa departamento kaya ang akin lang, hindi na, tuloy na ang kaso," anang enforcer.
Itinakda ang susunod na pagdinig ng LTFRB sa Marso 29.
Pinatawan na umano ng 30 araw na suspensyon ng bus company ng driver at konduktor pero hihintayin pa daw nila ang resulta ng imbestigasyon.
Depende sa magiging resulata ng imbestigasyon, sinabi ng opisyal ng kumpanya na maaaring magpataw pa sila ng mas mabigat na parusa.
"Baka mas mabigat pa d'un ang ipataw sa kanila," ayon kay Lope Naldo, COO, Baclaran MetroLink.
"Depende 'yon kasi mayroong dismissal, may ganyan," dagdag niya. -- FRJ, GMA News