ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Trillanes, kasama sa pagplano ng impeachment complaint —Alejano


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inamin ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano nitong Biyernes na kasama si Senador Antonio Trillanes IV sa pagplano sa inihaing impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes.

Sa panayam ng "News To Go," ipinahayag ni Alejano, “Kasama po siya (Trillanes) [sa pagplano]. Bahagi po siya sa Magdalo group.” 

Inamin din ni Alejano na ang pagsampa ng impeachment complaint at ang mga aksyon ni Trillanes laban kay Duterte ay alinsunod sa “collective decision” ng executive committee ng Magdalo group.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makausap si Sen. Trillanes para magkomento.

Samantala, nilinaw naman ni Alejano na ang impeachment complaint ay inisyatiba ng Magdalo at walang iba pang partido o grupo sa likod nito.

“Itong desisyon sa pag-file ng impeachment case ay nangyari lang nitong dalawang linggo bago nag-recess [ang Kongreso]," dagdag ni Alejano.

Nakilalang pinakamahigpit na kritiko ni Duterte si Trillanes, na patuloy na bumabanat sa punong ehikutibo.

Ipinangako ni Trillanes na ilalantad niya ang pagkatao ng itinuturing niyang “plunderer and mass murderer” at lalong naging masugid umano ang kanyang pagkilos matapos na "iligal" na ipinaaresto ang kaalyadong si Senadora Leila de Lima, na isa ring mahigpit na kritiko ng Pangulo.

Kasalukuyang nakakulong si De Lima sa PNP Custodial Center dahil sa mga reklamong may kinalaman sa drug trafficking. 

Pinaratangan din ni Trillanes si Duterte na nagkamal ng aabot sa mahigit P2 bilyon, na nakadeposito umano sa ilang bank accounts.

Matatandaang ipinangalandakan ni Duterte na mahirap ang kanyang pamilya.

Bukod dito, nasa ilalim ng proteksyon ni Trillanes ang dalawang nagpakilalang mga hit man ng notorious na Davao Death Squad (DDS).

Ibinunyag ni dating Davao police officer Arturo Lascañas at "ni Edgar Matobato na si Duterte ang nasa likod ng mga pagpatay na isinagawa ng DDS.

Samatala, ayon kay Alejano, magiging daan umano sa pagpapakita ng pagkadismaya ng mga mamamayan sa administrasyon ni Duterte ang impeachment complaint na inihain ng Magdalo.

“This is the right opportunity and venue for those who wanted to express their dissent and dissatisfaction to the administration. So we're just giving them the opportunity,” giit ni Alejano.

Isinampa ang impeachment complaint laban kay Duterte noong Huwebes sa Office of the Secretary General ng House of Representatives.

Kabilang sa mga reklamo na kasama sa impeachment complaint ay:

  • culpable violation of the Constitution; 
  • engaging in bribery, betrayal of public trust, graft and corruption; at 
  • other high crimes.

Sa ilalim ng mga alituntunin sa proseso ng impeachment, kailangan sasang-ayunan ng "one-third" o  97  sa mahigit dalawang-daang kabuuang bilang ng mga kongresista sa Kamara ang complaint upang maituloy ang proseso.

Ayon kay Alejano, umaasa ang kanilang grupo na makakuha rin ng sapat na bilang na susuporta sa impeachment complaint, dahil may mga mambabatas na umanong nagpahayag ng suporta.

Sa kasalukuyan, binubuo ang Kamara ng malaking bilang ng "supermajority" na kaalyado ni Duterte.

“Actually, meron na pong nag-signify na they want to join the impeachment. Ayaw ko lang silang pangunahan,” pahayag ni Alejano. 

Pero kahit na umano hindi magtuloy-tuloy ang impeachment complaint, hindi na umano ito mahalaga.

“[Ang] importante po, ginagawa natin ang mandato. Kasi ganito po ang pressure lagi sa isang public servant,” giit niya.

“Kung popular ba ay kokontrahin mo kahit sa tingin mo ay mali? 'Yun ang challenge lagi, you play with the rules of the game. Sa akin, ang grupo po ay nag-decide na tama ang gagawin. Kahit sumigaw ako mag-isa, as long as tama ang aking gagawin, it doesn't matter,” dagdag niya. 

“We're ready for the consequences of this impeachment case and we're trying to exhaust all available means for us to express our grievances,” giit niya.

Ipinahayag naman ng Malacañang noong Huwebes na ang impeachment complaint ay bahagi lamang ng binabalak ng mga kritiko na "destabilization plot."

Ayon sa isang opisyal ng Palasyo: It is a "dramatic" part of "a larger scheme of things" to destabilize the administration. —May kasamang ulat ni Erwin Colcol/LBG, GMA News