Ginang, binaril sa loob ng bahay at sa harap pa mismo ng anak
Patay ang isang ginang na tumigil na umano sa paggamit ng droga matapos siyang pasukin sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City, at barilin sa harap pa mismo ng batang anak.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Marisa Adona, 48-anyos, residente ng barangay 178 sa Camarin sa Caloocan.
Ayon sa 10- taong-gulang na anak ng biktima, matangkad at malaki ang pangangatawan ng lalaking bumaril sa kaniyang ina.
Pero hindi niya nakita ang mukha nito dahil may takip na maskara.
May isa pa umanong lalaki na nagsilbing lookout sa labas ng bahay.
"Pagkatingin ko na lang po biglang bumagsak si mama," ayon sa batang saksi.
"Isa [putok] muna po. Pagkatapos ng isang putok pinalabas ako, nagsunod-sunod na," dagdag niya.
Ang panganay na anak ni Adona, labis ang sama ng loob sa sinapit ng ina, at ginawa pa ang krimen sa harap ng bata niyang kapatid.
"Binaril nila kaharap pa yung bata. Hindi man lang nila inano yung bata," umiiyak na hinanakit nito.
Aminado ang panganay na anak na gumamit ng droga ang kanyang ina pero tumigil na raw dahil sa takot sa Oplan Tokhang.
Iniimbestigahan pa umano pulisya ang naturang krimen.
PINATAY SA TONDO
Nitong Martes ng madaling araw, isang babae rin ang binaril at napatay sa Antipolo St. sa Tondo, Maynila.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa likod ang biktimang si Gladys Tomas, 23-anyos.
Ayon sa nobyo ng biktima, nagpaalam ang biktima na mayroon lang pupuntahan pero hindi raw sinabi kung saan hanggang sa mabalitaan na niya ang sinapit nito.
Wala umanong trabaho ang biktima, at wala rin daw bisyo.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen. -- FRJ, GMA News