Chemical engineer na nawala sa unang araw ng kanyang pagpasok sa trabaho, nakita na
Natagpuan na sa Bulacan ang 23-anyos na chemical engineer na naiulat na nawala habang papasok sa unang araw ng kaniyang trabaho sa Batangas noong Marso 16.
Sa ulat ni Stave Dailisan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing matunton ng pamilya sa Malolos, Bulacan si Michael Kenneth Cruz.
Papasok sana sa unang araw ng trabaho sa isang food manufacturing company sa Balayan, Batangas si Cruz nang hindi na ito makontak ng pamilya.
Matapos na maipalabas sa "24 Oras" nitong Lunes ang nangyari sa kaniya, nakatanggap na umano ng mga impormasyon ang kaniyang mga kaanak hangang sa matunton ito sa Bulacan nitong Huwebes.
Gayunman, hindi na umano idinetalye ng pamilya Cruz kung ano ang nangyari kay Michael at kung paano siya naibalik sa kanila.
Nagpapasalamat naman ang pamilya sa lahat ng nagdasal at tumulong sa kanila para muli nila itong makapiling.
Kagaya ng pamilya Cruz, umaasa rin si Ginang Rosario Lopez, na buhay na makakabalik ang kaniyang 20-anyos na anak niyang si Renzo.
Gabi umano noong March 14 nang dukutin nang ilang armadong lalaki si Renzo at isakay sa van sa bahagi ng Batasan Road sa Quezon City.
Lumabas lang umano si Renzo para bumili ng gamot para sa kanyang maysakit na anak.
Siyam na araw nang naghahanap si Gng. Rosario, bitbit ang mga flyer na naglalaman ng impormasyon tungkol sa kaniyang anak.
Hindi umano nagdodroga pero palabarkada raw ang kanyang anak kaya kabado siyang baka napagkamalan ito.
Pakiusap niya sa mga taong kumuha sa kaniyang anak, pakawalan na ito at ibalik sa kanilang pamilya. -- FRJ, GMA News