ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang naglalako ng kalamay, kritikal matapos bugbugin ng lalaking tinukso raw na 'baho'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

May tali sa paa, duguan at agaw-buhay nang makita sa island sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ang isang walong-taong-gulang na lalaki matapos bugbugin at hampasin pa ng bato sa ulo ng isang lalaki na napikon umano nang tuksuhin na mabaho.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing naglalako umano ng kalamay ang batang biktima na dinala sa pagamutan.

Depensa naman ng nadakip na salarin na si  Rogelio Marcena, 32-anyos, siya umano ang unang pinagbabato kaya siya lumaban.

Nangyari ang krimen nitong Huwebes ng umaga sa mismong island sa ilalim ng footbridge sa barangay Commonwealth, na maraming tao at sasakyang dumadaan.

Ayon sa iba pang kabataan na kasama umano ng biktima, nagtitinda ito ng kalamay nang tuksuhin ang suspek ng baho.

Kahit peligroso, nagtakbuhan at kaagad na tumawid ng highway ang mga kabataan nang hampasin umano ng suspek ng bato sa ulo ang biktima.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong tipak ng bato na may bahid ng dugo na ginamit umano ng suspek sa paghampas sa bata.

Bukod dito, may nakuha rin umanong patalim sa suspek nang hulihin ng barangay volunteer.

Bukod sa illegal possession of bladed weapon, posibleng sampahan ng kasong frustrated murder at child abuse ang suspek, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA News

Tags: crime, psstnews