Batang lalaki, naipit sa escalator ng isang mall sa Maynila
Isang apat na taong-gulang na batang lalaki ang humihiyaw umano sa sakit nang maipit sa escalator ng isang mall sa Santa Cruz, Maynila.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, maririnig sa video ng YouScooper na si Tayts Mariano ang paghingi ng tulong ng isang babae na posible raw ina ng bata.
Humihiyaw naman umano sa sakit ang batang biktima.
Mabilis naman daw na pumindot ng isang lalaki ang emergency stop button ng escalator.
Kasunod na nito ang pagdating ng mga guwardiya at empleyado para sumaklolo at maalisin sa pagkakaipit ang bata.
Hindi pa umano matukoy kung paano naipit sa escalator ang bata, ayon sa ulat.
Sinabi naman ng pamunuan ng SM Supermall, na kaagad rumesponde ang emergency response team ng mall para tulungan ang bata.
Nakalabas na rin umano ng ospital at maayos na ang kalagayan ng bata. -- FRJ, GMA News