Batang hinampas ng bato, pumanaw na; pero mga kaanak, 'di pa rin makita
Pumanaw na ang walong-taong-gulang na batang lalaki na pinaghahampas ng bato sa mukha at ulo ng isang 32-anyos na lalaki na tinukso umanong "baho" sa center island ng Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Huwebes.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing may namuong dugo sa ulo ng bata dahil sa tinamong karahasan sa nadakip na salarin na si Rogelio Barcena.
Pinaghahampas umano ni Marcena ng malalaking tipak ng bato sa ulo at mukha ang batang nagtitinda ng kalamay matapos siyang tuksuhin.
Sa mga larawan, mapapansin ang malalalim na sugat sa mga pisngi, noo at bibig ng bata, na hindi pa rin malaman ang tunay na pangalan dahil walang kamag-anak na nagtungo sa ospital.
Nauna nang sinabi ng nagpakilalang pinsan ng biktima na kasamang nahuli sa isinagawang clearing operation sa mga batang hamog na "RJ" ang pangalan ng biktima.
Pero ayon kay Police Chief Inspector Nilo Padulaga ng QCPD-Station 6, hindi nila makita ang bahay ng biktima, at pati na rin ang bahay ng salarin.
Mula naman sa kasong frustrated murder, iaakyat na ng pulisya sa murder ang kaso laban kay Barcena, na kasalukuyang nakadetine dahil sa kasong pag-iingat ng patalim na nakuha rin sa kaniya ng mga awtoridad.
Sa loob ng piitan, sinabi ni Barcena na nabalitaan na niya na namatay na ang bata pero wala raw itong pinagsisihan sa kaniyang ginawa.
"Kasalanan nila 'yon sir, inaaway nila ako," ayon kay Barcena na naunang sinabi na binato siya ng mga bata kaya lumaban siya.
READ: Batang naglalako ng kalamay, kritikal matapos bugbugin ng lalaking tinukso raw na 'baho'
Pero sabi ng ibang kabataang kasama ng biktima, nagalit si Barcena nang tuksuhin ito ng "baho." -- FRJ, GMA News