Dahil sa cellphone, 2 bata sa Morong nakaligtas sa tangkang pagdukot
Nang dahil sa bitbit ng cellphone, dalawang walong-taong gulang na bata sa Morong, Rizal, ang nakaligtas mula sa tangkang pagdukot sa kanila nitong nakaraang Biyernes, ayon sa ulat ni Ivan Mayrina sa "24 Oras" nitong Lunes.
Ayon sa ina ng isa sa mga biktima na kinilala lamang bilang Mommy Lita, naglalaro ang kanyang anak at pinsan nito sa kanilang bakuran noong Biyernes nang tanghali nang maganap ang insidente.
Aniya, nasa kalagitnaan siya ng kanyang pag-idlip nang mapansin niyang tahimik na ang mga bata. Yun pala, tinangay na ang mga ito ng dalawang lalaki at isinakay sa isang tricycle.
"Maraming hindi naniniwala na totoo yung kidnapan pero sa amin na naka-experience ng ganitong sitwasyon... kelangan maging alerto yung lahat ng mga magulang na bantayan nilang mabuti yung mga anak nila," ani Mommy Lita.
Kuwento ni Mommy Lita, ilang beses niyang tinangkang tawagan ang anak sa cellphone ngunit nare-reject ang mga tawag niya.
Nang sa wakas ay sumagot ang bata, sinabi nito na dinukot sila ng dalawang lalaki at sakay sila ng isang tricycle na noo'y nasa karatig-bayan na Teresa na.
"Kaya raw po kina-cancel ng bata yung mga unang tawag [ay dahil] ibinalot niya yung panyo niya doon sa cellphone para di makita ng mga kidnapper niya," saad ni Mommy Lita.
"Sabi niya, 'Nadukot po ako, nadukot kami'," dagdag pa niya.
Ayon sa otoridad, maaaring kidnap-for-ransom ang motibo sa pandukot sa dalawang bata.
"Sa theory po namin ay ito po ay kidnap for ransom... kasi po sa pag-aaral namin, may kakayanan po ang mga magulang [nung bata]," ani Sr. Insp. Perlito Tuayon, hepe ng Morong Police.
Ayon sa ulat, walang kasong kidnap-for-ransom na kasalukuyang iniimbestigahan ang mga pulis sa Morong at Teresa kaya blangko sila sa kung sino ang may kagagawan ng pagdukot sa dalawang bata.
"Lahat po ng establishment na may CCTV ay che-checkin po natin para sa identification ng sasakyan na ginamit nung abductors," ani Sr. Insp. Richard Ganalon, hepe ng Teresa Police. —KBK, GMA News