3, patay matapos pagbabarilin ng mga salaring naka-'bonnet' sa Quezon City
Tatlo katao ang patay matapos silang pagbabarilin sa loob ng barung-barong na nasa gilid ng Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga. Ang mga salarin, nakasuot umano ng "bonnet."
Sa ulat ni Mark Sembrano sa GMA News TV's "QRT" nitong Miyerkules, sinabing nakita ang duguang bangkay nina Fred Tabigue, 43-anyos; Robert Mago, 22-anyos; at isang alyas "Anabel," sa loob ng barung-barong sa gilid ng Commonwealth Avenue sa barangay Old Balara.
Ayon sa mga saksi, dakong 5:00 am nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril sa loob ng barung-barong na mayroong makina ng video karera.
Tatlong tao na naka-bonnet umano ang nakitang mabilis na umalis sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa isang opisyal ng barangay, may mga alegasyon na bagsakan umano ng droga ang lugar.
Pero itinanggi ng ama ng isa sa mga biktima na sangkot sa droga ang kanyang anak.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen.
Kamakailan lang, dalawang lalaki ang pinasok din sa loob ng bahay sa Quezon City at pinagbabaril.
READ: 2 lalaki, pinasok at saka pinagbabaril sa loob ng bahay
-- FRJ, GMA News