Magkaklase na nagpaalam na gagawa ng school project, nalunod sa ilog
Nagdadalamhati ang mga magulang ng dalawang Grade 8 students sa San Carlos City, Pangasinan na nasawi matapos malunod sa Agno river. Ang mga bata, nagpaalam umano na papasok dahil kailangan nilang gumawa ng school project.
Sa ulat ni Jette Arcellana sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang magkaklaseng nasawi na sina Mary Jane Tamayo at Michelle Sudio.
Ayon sa awtoridad, matapos na kumuha ng mga larawan ay naligo sa ilog ang dalawa at nangyari na ang trahediya.
Kinumpirma ng ilang kaklase ng mga biktima na nagtungo sa ilog ang mga ito para gumawa ng film project para sa asignaturang Araling Panlipunan.
Hindi raw papayagan na kumuha ng exam ang mga walang film project, ayon sa isang mag-aaral.
Pero paliwanag ng pamunuan ng paaralan, bagaman totoo na mayroon silang itinakdang proyekto sa mga bata, natapos na umano ang deadline ng pagsusumite nito noong March 16.
Ipinaliwanag din nila na March 27 nangyari ang insidente at tapos na raw ang final exam ng mga bata noon pang March 24 kaya wala na silang regular na klase.
Hindi rin umano pumasok sa paaralan ang mga bata nang araw na mangyari ang trahediya.
Sa harap ng isinasagawang imbestigasyon ng Department of Education sa nangyari, inihayag naman ng paaralan na handa silang makipag-usap sa mga magulang ng mga bata. -- FRJ, GMA News