ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ina, kalaboso matapos mahuling nagnakaw ng gatas para may maipakain daw sa anak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Arestado ang isang ginang matapos umanong magnakaw ng gatas sa isang tindahan sa Pangasinan. Ang ginang, sinabing para sa anak na isang-taong-gulang ang kinuhang gatas.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing kinuha at hindi binayaran ng ginang na si Maricel dela Cruz ang naka-display na gatas sa isang grocery stall sa loob ng public market ng San Carlos City.

Nang sitahin umano ng may-ari ng tindahan si Dela Cruz, idinahilan umano nito na sa ibang tindahan niya binila ang gatas.

Reklamo pa ng may-ari ng tindahan, sinigawan siya at tinabig ni Dela Cruz sa halip na humingi ng paumanhin sa ginawa.

Sa kulungan, inamin niya na para sana sa bunso niyang anak na isang taong gulang ang kinuhang gatas.

Pito umano ang kaniyang anak at dalawang araw na raw siyang hindi nakabili ng gatas dahil sa kawalan ng pera.

Nanatili sa piitan si Dela Cruz na sinampahan umano ng reklamong pagnanakaw.-- FRJ, GMA News