ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking nandadakma ng dibdib ng babaeng joggers sa Ormoc huli sa buy-bust


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Arestado sa isang buy-bust operation nitong Sabado ng gabi ang isang lalaking matagal nang pinaghahanap ng mga pulis dahil sa maraming reklamo ng panghihipo sa mga babaeng nagja-jogging sa Veloso Avenue sa Ormoc City.

Kinilala ni Senior Inspector Joseph Joevil Young ng Drug Enforcement Unit ng Ormoc City police ang suspek na si Jezel Laurente, 27, isang karpentero, may-asawa at residente ng Sitio Cantalib, District 29.

Ayon kay Young, naaresto nila si Laurente sa buy-bust operation sa Sitio Suntan, Barangay Punta bandang 8 ng gabi.

Nasamsam mula sa suspek ang dalawang plastic sachet ng shabu at buy-bust money na P500.

Sinabi ni Young na matagal nang pinaghahanap ng lokal na pulisya si Laurente dahil sa magkakasunod na reklamo ng panghihipo ng dibdib ng mga babae na nagja-jogging sa Veloso Avenue sa Barangay Punta at sa city proper.

Sa reklamong natanggap ng mga pulis, nakikitakbo si Laurente sa mga babaeng nagja-jogging at kapag nakalapit na ay biglang dadakmain ang dibdib ng kanyang mga biktima. Pagkatapos manghipo, tatakbo na papunta sa kanyang motorsiklo ang suspek at tatakas.

Kabilang umano sa mga naging biktima ni Laurente ay isang magandang doktora at dito siya namukhaan at nakilala ng iba pang mga jogger.

Ayon kay Young, ikinasa nila ang buy-bust operation laban kay Laurente matapos silang makakuha ng impormasyon na nagbebenta ito ng droga sa mga drayber ng habal-habal sa kanilang lugar.

Baguhan pa lamang umano ang suspek sa pagbebenta ng droga.

Itinanggi naman ng suspek ang bintang ng mga pulis laban sa kanya pero inamin niya ang panghihipo sa mga babaeng jogger sa siyudad.

Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.

Hinihintay pang may lumutang na biktima ang suspek para pormal na magsampa ng reklamo hinggil naman sa panghihipo nito. —ulat ni Roberto Dejon/ALG, GMA News