Isa na namang babae, hinablutan ng bag ng riding in tandem
Isa na namang babae ang nabiktima ng mga snatcher na sakay ng motorsiklo. Sa pagkakataong ito, nangyari ang krimen at nakunan ng CCTV camera sa San Juan.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV's "QRT" nitong Miyerkules, ipinakita ang video footage sa biktima habang mag-isang nakatayo sa parking lot ng isang establishimento sa N. Domingo Street sa San Juan.
Habang gumagamit ng kaniyang cellphone, makikita ang pagdating ng riding in tandem na nagpatay ng headlight at tumigil sa likod ng isang kotse.
Hindi nagtagal, lumapit na ito mula sa likuran ng biktima at inagaw ang kaniyang bag.
Nagawa pang makipag-agawan ng biktima hanggang sa kalsada pero natangay pa rin ang mga salarin ang kaniyang bag na naglalaman ng ilang gamit tulad ng gadgets, ATM card, at mga gamit sa trabaho.
Habang inaalaman na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin, nagpaalala ang pulisya na huwag nang manlaban kung maging biktima ng snatching, holdup o robbery.
Dapat umanong tandaan na higit na mas mahalaga ang buhay sa kahit anumang materyal na bagay.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, isang babae rin ang inagawan ng bag ng riding in tandem sa Maynila.
BASAHIN: Riding in tandem na kumaladkad sa babaeng inagawan nila ng bag, arestado
Nagtamo pa ng mga galos sa katawan ang biktima dahil nakaladkad siya nang hindi niya binitawan ang kaniyang bag.
Nitong Martes, nadakip na ng mga pulis ang dalawang suspek sa naturang insidente sa Maynila. -- FRJ, GMA News