Pagbaril sa isang manager ng fast food, nahuli-cam; salarin, kinuyog ng mga empleyado
Patay ang lalaking manager ng isang fast food sa Ilocos Sur matapos siyang barilin ng isang lalaki sa harap mismo ng kaniyang mga kapwa empleyado at mga kostumer.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, ipinakita ang CCTV footage kung saan makikita sa loob ng isang fast food sa Bantay, Ilocos Sur ang biktimang manager.
Hindi nagtagal, bigla siyang sinugod at pinagbabaril ng suspek na si Leo Ubilas.
Nasawi ang biktima dahil sa tinamong limang tama ng bala ng baril.
Naaresto naman si Ubilas matapos siyang pagtulungan ng mga empleyado ng fast food.
Paliwanag ng salarin, nagawa niya ang krimen dahil hindi niya matanggap ang relasyon ng umano ng biktima at ng kaniyang dating misis kahit isang taon na silang hiwalay. -- FRJ, GMA News