ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
26 NA SAKAY, NASAWI

Mini-bus, nahulog sa bangin sa 'accident-prone' na lugar sa Nueva Ecija


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang 26 katao, at mahigit 20 pa ang nasugatan nang mahulog ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa bangin na tinatayang nasa hanggang 100 talampakan ang lalim sa Carranglan, Nueva Ecija. Ang lugar na pinangyarihan ng sakuna, kilala raw na 'accident-prone.'

Ayon kay Senior Inspector Robert de Guzman, officer-in-charge ng Carrangalan police, naganap ang trahediya dakong 11 a.m. nitong Martes sa Barangay Capintalan.

Batay umano sa kuwento ng ilang saksi, nakita ang LeoMaric minibus na patungong Candon, Ilocos Sur nang mahulog sa bangin na tinatayang nasa 80 hanggang 100 talampakan ang lalim.

Ayon kay De Guzman, "total wreck" ang bus.

Dinala sa ospital sa Bambang, Nueva Vizcaya ang mga sugatan.

Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na nawalan umano ng preno ang bus.

Sa ulat ng radio dzBB, sinabi ni Michael Calma ng Nueva Ecija Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na kabilang sa mga nasawi ay 18 babae, pitong lalaki at isang bata.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) spokesperson and board member Aileen Lizada, hindi "out of line" ang bus at mayroon din itong prangkisa.

Nagpadala na umano sila ng tauhan sa lugar para mag-imbestiga.

Sinabi naman ni Carranglan Mayor Mary Abad na lugar na pinangyarihan ng insidente ay "accident-prone."

“Accident-prone iyang highway going to Abra. Maraming bangin, zigzag ‘yan. Ang report sa amin ay 80 feet ang kinahulugan, dalawang taas ng kawayan, nahulog ‘yung bus, nawalan ng preno,” anang opisyal.

Sa ulat ng GMA News TV's "QRT", sinabing bagaman may harang ang gilid ng bangin, may bahagi nito na mayroong puwang at doon lumusot ang bus kaya nahulog sa bangin.— FRJ, GMA News