ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
WATCH

'Snatcher on wheels' sa Quezon City, patuloy na gumagala


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ingat mga Kapuso sa snatcher na nakamotorsiklo na patuloy na gumagala sa Quezon City. Nitong Lunes, muling umatake ang salarin at nahuli-cam habang hinahabol ng kaniyang biktima na inagawan niya ng bag.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng awtoridad na hindi umano bababa sa sampung beses na umatake ang suspek noong 2016 sa nasabing lungsod.

Dalawa sa mga insidente ang nakunan din ng CCTV na nangyari noong Marso at Abril.

Ang nabiktima ng salarin noon March 2016, isang ginang ang halos makaladkad ng motorsiklo nang agawin niya ang bag nito may lamang pera at mga gadget.

Sa sumunod na buwan naman ng nasabi ring taon, muling nahagip ng CCTV ang pag-atake ng salarin pero nabigo siyang matangay ang bag ng biktima dahil nabitawan niya ito.

Nitong Lunes lang, naispatan muli ang salarin sa barangay Sikatuna kung saan hinahabol na siya ng isang babae na inagawan niya ng bag.

Bago nito, nahuli-cam rin ang salarin sa barangay Quirino 2-A nitong Sabado na umatake rin pero nabigong makuha ang bag ng kaniyang bibiktimahin.

Sa ilang ulit na nahagip ng CCTV ang salarin, mapapansin na binabaliktad nito ang pagsuot sa kaniyang jacket at madalas nakatambay sa tabi ng bangketa para maghanap ng biktima.

Habang hindi pa nahuhuli ang salarin, pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na maging alisto at mag-ingat sa mga katulad na taktika ng snatcher.

Makabubuti umano na iwasan ang pagsusuot ng mamahaling alahas, iwasan ang pag-text sa kalsada, at ilagay ang bitbit na bag sa lugar na hindi madaling mahahablot ng snatcher. -- FRJ, GMA News