Lacson, itinuturing na 'tsismis' ang ulat ng Reuters ukol sa mga pagpatay sa drug suspects
Hindi kumbinsido si Senador Panfilo Lacson sa inilabas na ulat ng international news agency na Reuters na sangkot ang mga pulis at may ibinabayad sa bawat napapatay na taong sangkot umano sa iligal na droga.
Sa text message nitong Miyerkules, itinuturing ni Lacson na "tsismis" ang mga detalye sa ulat hanggat hindi natutukoy ang umano'y dalawang opisyal ng pulisya na pinanggalingan ng impormasyon tungkol sa pagbabayad sa bawat napapatay na drug personalities at pagkakaroon ng extra judicial killings sa bansa.
“Unless Reuters identifies the two police officers who should show convincing proof of their accusations against the PNP, I will describe the report as gossip, plain and simple,” ani Lacson, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), at ngayo'y Senate committee on public order and dangerous drugs.
Pero ayon kay PNP spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos, inaalam na nila ang katotohanan sa mga impormasyon na sinasabing ibinigay ng dalawang hindi pinangalanang opisyal ng pulisya.
"If the allegations were true, [we have to find out] who were responsible. Kailangan nating malaman 'yon," ani Carlos.
Una rito, sinabi sa ulat ng Reuters na nakasaad umano sa 26 na pahinang report na ginawa ng isang opisyal ng pulisya na may titulong “The State-Sponsored Extrajudicial Killings in the Philippines,” ang detalye tungkol sa umano'y kampanya kontra-droga ng pamahalaan.
Sa naturang ulat, nakasaad umano na umaabot sa P20,000 ang bayad sa bawat mapapatay na “street level pusher and user.” Nasa P50,000 naman umano ang bayad sa mapapatay na miyembro ng barangay na sangkot din sa droga, at P1 milyon naman ang para sa "distributors, retailers and wholesalers," at P5 milyon sa "drug lords.”
Nakasaad din sa ulat ng Reuters na batay umano sa mga impormasyon na ibinigay ng mga hindi tinukoy na source, "nagtatanim" o nilalagyan na lamang ng ebidensiya o baril ang mga napapatay na drug personalities, at ang karamihan sa patayan ay itinuturong kagagawan ng mga vigilante.
Ang naturang report ay ibinahagi na rin umano sa mga lider ng Simbahang Katolika at Commission on Human Rights, ayon sa Reuters. — FRJ, GMA News