Dalagita, patay nang madamay sa pamamaril ng mga salaring na-estafa raw sa droga
Patay ang isang 14-anyos na dalagita nang tamaan ng bala matapos magpaputok ng baril ang mga salaring nakamotorsiklo, at hinihinalang nagalit matapos ma-estafa umano ng katransaksyon sa iligal na droga sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nauwi sa trahedya ang masaya sanang bakasyon ng isang pamilya sa Tondo nang masawi ang biktimang Jazelle Justine Mallari.
Nasawi ang biktima matapos tamaan ng bala sa mata habang nakatayo sa gilid ng kalsada sa barangay 217 sa Tondo noong Miyerkules.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pagdaan ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo, habang nakatayo ang biktima sa gilid ng kalsada kasama ang ilang kaanak.
Hindi nagtagal, biglang natumba ang biktima nang dumaan ang mga salarin sa tapat nila.
Kagagaling lang umano ng biktima at mga kaanak nito sa swimming nang mangyari ang trahediya.
Ayon sa tiyuhin ng biktima, inakala nilang may pumutok lang na gulong pero laking gulat nila nang matumba ang pamangkin at makitang may tama na pala ito ng bala sa mata.
Kaagad na itinakbo sa ospital ang dalagita pero binawian din ng buhay.
Bago mangyari ang pamamaril, sinabi ng isang residente na nagtanong at hinahanap ng mga salarin ang isang "Mikoy" na may utang umano sa kanila.
Hinala ng opisyal ng barangay, basta na lang nagpaputok ng baril ang mga salarin kahit walang partikular na tao na pinuntirya na tumama sa biktima.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin na pinaniniwalaang onsehan sa droga ang dahilan ng pamamaril. -- FRJ, GMA News