ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dating OFW na naging faith healer, patay nang pagbabarilin habang nagsasampay


Nasawi ang isang dating caregiver sa Cyprus at naging faith healer nang bumalik sa bansa matapos siyang barilin ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo sa Urdaneta City, Pangasinan.

Sa ulat ni Jette Arcellana sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nagtamo ng mga tama ng bala sa likod at tagiliran ang biktimang si Mary Pulido.

Ayon sa kinakasama ng biktima na si Lorna Madela, wala siyang alam na nakaalitan ni Pulido para ipapatay ito.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsasampay ng damit ang biktima sa labas ng bahay nang dumating ang mga salaring nakamotorsiklo.

Bumaba umano sa motorsiklo ang isa sa mga salarin na lumapit at bumaril sa biktima.

Dati umanong caregiver sa Cyprus si Pulido at mula nang umuwi sa bansa tatlong taon na ang nakakaraan ay nagsilbi na itong faith healer.

Pero nitong nakaraang buwan, mayroon umanong pasyente na sinita ni Pulido nang palihim siyang kunan ng larawan habang nanggagamot.

"Bale sinita niya itong kumuha sa kanya ng picture, sabi niya, 'bakit niyo ako kinukuhanan ng picture, ipapapatay niyo ba ako?' Ganun yung kanyang words," ayon kay P/Sr. Insp. Madonna Cabiles, information officer ng Urdaneta City Police.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.

Samantala, nasawi naman ang 32-anyos na Indian national na si Gurmeet Singh, residente ng San Fabian, nang barilin siya ng hindi pa nakikilalang salarin habang naniningil ng pautang sa Dagupan City, Pangasinan.

Isinantabi ng pulisya ang anggulong pagnanakaw dahil hindi umano tinangay ng mga salaring nakamotorsiklo ang mga gamit ng biktima.

Anggulong negosyo ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga imbestigador sa motibo sa krimen. -- FRJ, GMA News