'Corporate genius' at dating Manila congressman Mark Jimenez, pumanaw na
Pumanaw na sa edad 70 nitong Martes ang negosyante at kongresista ng Maynila na si Mark Jimenez. Minsan din tinawag ni dating Pangulo at ngayo'y Manila mayor Joseph Estrada na “corporate genius” ang kaniyang kaklase na si Jimenez.
Sa isang pahayag na inilabas ng pamilya, sinabing ibuburol ang mga labi ni Jimenez sa Funeraria Rey sa Pandacan sa Manila sa Huwebes at Biyernes.
Pagkaraan nito, ililipat ang kaniyang mga labi sa Heritage Park sa Taguig City. At magkakaroon ng huling misa sa Linggo, 8:00 p.m.
Naulila ni Jimenez, Mario Batacan Crespo sa tunay na buhay, ang kaniyang 13 anak.
“He embodied a story for all of us, one of starting humbly, rising above all his circumstances and eventually choosing a life of service. This is the story we choose to remember him by, as his children, all 13 of us, and his chosen children, in District 6 in Manila,” saad sa pahayag ng pamilya.
Naging kaklase at naging kaalyado ni Jimenez sa pulitika si Manila Mayor Joseph Estrada, na nagbansag sa negosyante na “corporate genius.”
Naging matagumpay ang negosyo ni Jimenez sa Amerika noong 1980s sa pamamagitan ng kaniyang computer distribution company na nakabase sa Miami, Florida, na umabot sa Latin America.
Bumalik siya sa Pilipinas bago ang 1998 presidential elections, at hinirang ni Estrada bilang adviser sa Latin American affairs.
Tumakbo at nanalong kongresista sa ika-6 na distrito ng Manila si Jimenez noong May 2001, matapos mapatalsik sa Palasyo si Estrada sa pamamagitang “EDSA Dos” people power revolution.
Gayunman, pinatalsik siya sa puwesto ng House Electoral Tribunal noong 2002 dahil sa alegasyon ng vote-buying.
Sa sumunod na taon, nahatulan siyang makulong ng dalawang taon sa Miami, Florida dahil sa kasong election conspiracy at tax evasion habang nagnenegosyo sa US.
Makaraang ang dalawang taon, nakalaya si Jimenez at bumalik sa Pilipinas.
Nagsagawa rin siya ng mga proyektong makatutulong sa mga mahihirap at nagbalak ding tumakbong pangulo noong 2010 elections.-- FRJ, GMA News