ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hepe ng MPD Station 1, ipinagtanggol noon ang pagkakapatay ng mga pulis sa estudyanteng iskolar


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kontrobersiyal ngayon ang hepe ng Manila Police District-Station 1 na si Police Superintendent Robert Domingo dahil sa nabisto umanong "secret cell" sa kaniyang presinto.

Pero bago nito, dati siyang hepe ng Station 6 na nakasasakop sa lugar kung saan napatay sa isa umanong anti-drug operation ang tatlong lalaki— kabilang ang isang criminology student na iskolar ng isang foundation.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, binalikan ang nangyaring insidente noong July 2016 kung saan napatay sa buy bust operation ang tatlong lalaki sa Sta. Ana, Maynila, kabilang 20-anyos na  criminology student na si Jefferson Bunuan.

BASAHIN: 20-anyos na estudyante, kabilang sa mga napatay sa kampanya vs illegal drugs

Napatay din sa naturang operasyon ang pinsan ni Bunuan na si Mark Anthony, at si Jomar Manawis alyas Totong.

Pero giit ng mga kaanak ng magpinsan, hindi sangkot sa droga ang dalawa at hindi dapat pinatay dahil nakitulog lang daw mga ito sa bahay ni Manawis.

Napag-alaman na si Jefferson ay isang criminology student at iskolar ng isang NGO na tumutulong sa mga mahihirap na kabataan na Kaibigan Ermita Outreach Foundation.

Gayunman, iginiit noon ni Domingo sa panayam na pawang nanlaban ang tatlo kaya sila napatay.

Ngayon, iniimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang sikretong selda sa police station na pinamumunuan ni Domingo kung saan nakita ang 11 katao na may isang linggo na umanong nakadetine at hindi pinapalaya kahit walang kinakaharap na kaso.

BASAHIN: 'Secret cell' ng MPD Police Station 1 na nasa likod ng kabinet, nabisto

-- FRJ, GMA News