Lalawigan ng Quezon, may ipinagmamalaki ring underground river gaya ng Palawan
Tulad ng Palawan, mayroon ding maipagmamalaking underground river ang lalawigan ng Quezon na makikita sa bayan ng Sampaloc.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, ilang turista na ang nakasaksi sa ganda ng Malaog underground river, na matatagpuan sa Malaog caves.
Kailangang gumamit ng bangka para malibot ang loob ng ilog na mayroong malamig at malinis na tubig.
Gaya ng underground river sa Puerto Princesa, Palawan, nakamamangha rin ang naglalakihang stalagmites at stalactites sa loob ng Malaog underground river.
Mararating ang Malaog underground river sa pamamagitan ng ilang minutong trekking.
Ayon sa lokal na pamahalaan, hindi pa nila nasusukat kung gaano kahaba ang ilog dahil wala pa umanong nakakarating sa dulo nito. -- FRJ, GMA News