ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
SA NABISTONG 'SECRET CELL'

PNP chief Dela Rosa, kinampihan ang hepe ng MPD-Station 1


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kahit inalis sa puwesto, tila mabubunutan ng tinik ang kontrobersiyal na hepe ng Manila Police District Station 1 matapos siyang kampihan mismo ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa sa isyu ng sikretong selda.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing personal na binisita Dela Rosa dakong 10:00 p.m. ang MPD Headquarters para tanungin ang mga ikinulong sa umano'y secret cell na inilipat sa naturang himpilan.

Kaagad na tinanong ni Dela Rosa ang mga ikinulong sa selda kung minaltrato sila ng mga pulis at kung totoo na hiningan sila ng pera, bagay na kanila namang itinanggi.

Umaga nitong Biyernes nang alisin ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde sa puwesto si MPD Station 1 commander Supt. Roberto Domingo at ang buo nitong Station Drug Enforcement Group. 

Ginawa ni Albayalde ang pag-alis kay Domingo sa puwesto matapos matuklasan ng Commission on Human Rights nitong Huwebes ang nakatagong kulungan na natatakpan ng kabinet.

Nagsagawa ng sorpresang pagbisita ang CHR sa nasabing presinto nang makatanggap sila ng reklamo na may mga taong dinakip at may ilang araw na umanong nakadetine kahit walang isinasampang kaso.

Nabisto ang sikretong selda nang may marinig na katok at boses ang CHR sa likod ng kabinet at nakita ang 11 tao na nakadetine sa maliit na selda.

Reklamo noon ng mga nakadetine, may sinaktan sa kanila at hinihingan ng P40,000 hanggang P200,000 kapalit ng kalayaan.

Pero sa pagbisita ni Dela Rosa nitong Biyernes ng gabi, itinanggi nila ang mga sinabi nila sa media. Ito ay sa kabila ng pangako ng hepe ng PNP na hindi sila dapat matakot basta magsabi ng totoo.

Tungkol sa usapin ng tagong selda, sinabi ni Dela Rosa na walang masama rito basta hindi sinasaktan ang mga dinakip kaysa makatakas.

Taliwas ito sa pananaw ni Albayalde na mali ang pagkakaroon ng tagong selda at ikulong ang mga dinakip nang walang kinakaharap na demanda.

Nitong Biyernes lang umano nagawa ang mga dokumento para ma-inquest ang mga ikinulong sa kontrobersiyal na selda.

"As long as hindi sinasaktan yung prineso, yung detainee, at hindi kinokotongan, okey lang sa akin "yon," ayon kay Dela Rosa.

Binalingan din ni Dela Rosa ang CHR sa timing ng pagsasagawa ng sorpresang pagbisita sa police station na nataon sa ASEAN Summit.

"Hinahamon ko yang mga human rights na yan, gusto n'yo mag-inpeksyon, mag-inspeksyon kayo araw-araw...wag lang kayong mag-inspeksyon magpakitang-tao kayo mag-inspeksyon kayo ngayong may ASEAN summit," reklamo niya.  -- FRJ, GMA News