Tricycle na tinangay ng mga umano'y kabataang kawatan, ibinalik dahil sira pala
Isang nakaparadang tricycle ang tinangay ng mga kabataang pasaway sa Maynila. Pero ilang minuto lang ang lumipas, ibinalik nila ang tricycle kung saan nila kinuha dahil bigo silang mapaandar ang sasakyan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa Barangay 339 Zone 34 sa Maynila ang dalawang kabataan nitong madaling araw ng Abril 30 habang tinatangay ang nakaparadang tricycle.
Hindi pinaandar at itinulak lang papalayo ng dalawa ang tricycle, at hinihinala ng mga opisyal ng barangay na ginawa ito para hindi makalikha ng ingay.
Pero makalipas ng may 30 minuto, muling bumalik ang dalawa at tulak-tulak pa rin ang tricycle na tila isinauli nila kung saan nila kinuha.
Matapos nito, mabilis na umalis ang dalawang kabataan na hindi pa rin nahuhuli.
Ayon sa mga tanod, hindi napaandar ang tricycle dahil sira pala ito.
Hinala pa nila, posibleng tinangay ng dalawa ang tricycle para gamitin sa "pag-iikot " o nakawan ng piyesa.
Tricycle ng pulis, natangay
Nangyari naman sa tricycle na pag-aari ng isang pulis ang sistema pagtangay ng mga kabataan sa tricycle para gamitin umano sa "joy ride."
Sa Barangay 409 Zone 42 sa Maynila pa rin, dinakip ang ilang kabataan makaraang sumalpok sa isang nakaparadang SUV ang tinangay nilang tricycle ng pulis.
Paliwanag ng mga binatilyo, walang silang intensyon na nakawin ang tricycle at sa halip ay nais lang daw nilang magpasikat sa mga kasamang babae.
Pumayag naman ang may-ari ng tricycle na si P03 Ben Oril, na huwag nang magsampa ng reklamo laban sa mga menor de edad dahil nanghihinayang siya na baka lalong magrebelde ang mga bata kapag ikinulong.
Gayunman, kinausap ng pulis ang magulang ng mga bata at pinangaralan na gabayang mabuti ang kanilang mga anak. -- FRJ, GMA News