Pagkuyog ng taumbayan sa siga ng barangay, nahuli-cam
Hindi umubra ang pagiging siga umano ng isang lalaki sa Tondo, Maynila makaraang siyang pagtulungang gulpihan ng kaniyang huling biktima at mga kalugar na sinasabing posibleng napuno na sa kaniyang paghahari-harian.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, huling-huli sa CCTV camera ang paghabol at pagkuyog ng mga tao sa umano'y siga ng barangay 47 zone 3 na si Marc Joseph Antonio.
Sa CCTV footage na kuha umano nitong nakaraang Sabado, makikitang may hawak pang gunting si Antonio habang hinahabol ng mga galit na tao, kasama si Alejo Mentar, na huling pinagtripan at sinaksak umano ng suspek sa batok.
Habang naglalakad papalayo sa mga galit na tao, bumagsak si Antonio nang tamaan nang ibinatong silya.
Bukod sa sipa at suntok, may makikita pang lalaki na nagbagsak ng hollow block sa nakatumbang si Antonio.
Ayon sa opisyal ng barangay, posibleng napuno na raw ang tao sa kanilang lugar dahil madalas umanong pagti-trip ng suspek sa mga residente.
Kahit umano ang mga tanod sa barangay, hindi kinatatakutan ni Antonio.
Naisugod naman sa ospital ay nakaligtas si Antonio, pati na si Mentar na nagpapagaling sa tinamong saksak sa batok.
Batay sa blotter ng Manila Police District-Station 2, nagkaayos na umano ang dalawang kampo. -- FRJ, GMA News