ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Buhawi, nagpatumba ng mga puno at poste sa Pangasinan; ilang bahay, nasira


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Itinumba ng buhawi ang ilang puno at poste ng kuryente sa Umingan, Pangasinan. Sinira rin ng malakas na hangin ang ilang kabahayan.

Batay sa ulat ni Jette Arcellana sa GMA News TVs "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nanalasa ang buhawi sa barangay Nampalcan sa bayan ng Umingan.

Ibinuwal ng malakas na hangin ang mga puno ng mangga, itinumba rin ang mga poste ng kuryente, at nasira ang bubong ng ilang bahay.

Ang residente na si Larry Contawi, nagpapasalamat dahil hindi tuluyang nabagsakan ng poste at puno ang kanilang bahay.

Ang kaniyang misis na buntis, napaanak dahil sa matinding takot.

"Buong pamilya ko sa loob [ng bahay]. Takot kami umiikot na yung [puno ng] mangga. Nataranta kami, pumasok kami sa loob ng banyo para nagtago," kuwento niya

Dahil din sa buhawi, mahigit 100 bahay sa Purok Tres ang nawalan ng kuryente.

Kaagad naman kumilos ang Pangasinan Electric Cooperative para ayusin ang mga natumbang poste para maibalik na ang supply ng kuryente.

Nakamonitor din ang lokal na pamahalaan ng Umingan sa mga apektadong residente para sa tulong na kakailanganin. -- FRJ, GMA News