Pahinante, patay matapos dumikit sa kawad ng kuryente ang sasakyan niyang trak
Patay ang isang lalaking pahinante sa Pampanga matapos siyang makuryente sa sasakyan niyang truck, na dumikit sa nakalaylay na kawad ng kuryente.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, ipinakita ang CCTV footage na nakakuha sa naturang aksidente na nangyari noong April 30 sa Masantol, Pampanga.
Sa video, makikita ang dalawang lalaki na walang damit habang nag-aabang sa paparating na delivery truck ng yelo na kanilang sasakyan.
Nang huminto ang truck, lumapit kaagad ang isang lalaki at humawak sa pinto ng sasakyan para sumampa.
Pero hindi pa nito nabubuksan ang pinto ay bigla na lang siyang tumigil at dumikit sa pinto ng sasakyan.

Sinubukan siyang tulungan ng kasamang pahinante pero kaagad din itong napabitaw dahil sa naramdamang kuryente.
Ilang minuto rin ang lumipas bago naalis ang biktima sa pagkakadikit sa pinto ng truck nang hatakin siya ng kasama sa short pants.
Kaagad na dinala sa ospital ang pahinante pero binawian din ng buhay.
Ayon sa kapitan ng barangay, lagi namang may dumadaang malaking sasakyan sa lugar at posible raw na hindi napansin ng driver ng truck ang mga nakalaylay na kawad ng kuryente.
Matagal na rin daw nilang inirereklamo sa Pampanga Electric Cooperative ang naturang nakalaylay na mga kawad para ayusin.
Wala pang pahayag ang Pelco kaugnay sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News