Lalaki patay matapos mahulog sa poso negro sa Pasig
Patay ang isang lalaki matapos iligtas ang katrabaho habang naglilinis sila ng septic tank sa Barangay Bagong Ilog sa Pasig City, Martes ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Richard Cabarles, empleyado ng Uniplus Plumbing.
Ayon kay Marvin Emadin, hinigop muna nila gamit ang kanilang mga plumbing equipment ang ibang laman ng septic tank. Sa pangalawang balik nila, pareho silang lumusong sa masikip at mabahong septic tank sa isang bahay sa Lake View Drive.
Ilang sandali matapos nilang lumusong sa septic tank, sinabi ni Emadin na nahilo siya at tinulungan siya ni Cabarles na makalusong. Sa kasamaang-palad, si Cabarles ang hindi nakaahon at tuluyang lumubog.
Sinabi ni Emadin na wala silang suot na anumang safety equipment at kapwa naka-brief lamang sila ni Cabarles nang lumusong sa septic tank na hanggang leeg nila ang laman.
Naganap ang insidente pasado 8 p.m.
Naiahon na ang bangkay ni Cabarles ng mga tauhan ng Pasig City rescue group. —ulat ni Bam Alegre/ALG, GMA News