ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
BARIL NG PULIS, PUMALYA?

2 pulis, patay sa pananambang ng riding in tandem sa Antipolo City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang dalawang pulis na sakay ng motorsiklo nang pagbabarilin sila ng mga salarin na riding in tandem sa Antipolo City. Ang isa sa mga biktima, nakabunot pa ng baril pero pinaniniwalaang pumalya sa putukan.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nitong Huwebes ng gabi nang tambangan at mapatay sa highway ng barangay Dalig sa Antipolo City sina PO2 Ernesto Turalba at PO2 Roberto Reganit, na kapwa pulis sa Rizal.

Nakatalaga si Turalba sa drug enforcement unit ng PNP-Baras, habang sa intelligence unit naman ng PNP-Taytay si Reganit.

Sakay ng motorsiklo ang dalawang biktima nang pagbabarilin ng nakatakas na mga salarin.

Nang abutan ng mga awtoridad ang bangkay ng mga pulis, nakita nilang hawak ni Turalba ang kaniyang baril pero pinaniniwalaang nagkaaberya o nag-jam ito nang iputok.

Dahil sa kinabibilangan nilang unit, tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang sa kanila.

Ang nagluluksang asawa ni Turalba na si Lora, nanawagan kay PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, na paimbestigahan ang sinapit ng kaniyang mister, na labis umano ang dedikasyon sa trabaho.

"PNP Chief Bato, nasa po kayo po mismo ang humawak o magpaimbestiga sa totoong nangyari sa asawa ko para mabigyan po siya ng hustisya," pakiusap ng ginang. -- FRJ, GMA News

Tags: psstnews