Tulong para makauwi ang Pinay OFW na minaltrado raw ng amo sa KSA, hiniling ng kapatid
Nanawagan ng tulong ang isang babae para makauwi kaagad sa bansa habang buhay pa ang kaniyang ate na nagtatrabaho sa Saudi Arabia, at nakararanas umano ng pagmamaltrato sa amo.
Sa ulat ng GMA News TVs "Balitanghali" nitong Biyernes, panay ang iyak ni Rhodora Cultura habang ikinukuwento ang dinanas na pananakit umano ng kaniyang kapatid sa kamay ng amo nito sa KSA.
"May mga pasa sa kanyang ano...labi. Dito sa kanyang mukha, grabe po. Dito namamaga, tapos yung dito, hindi mailapat, grabe po, grabe ang ginawa ng kaniyang amo," kuwento ni Cultura upang inilalarawan ang sinapit umano ng kaniyang ate.
Hindi pa rin nakakauwi sa Pilipinas ang kaniyang ate, na sinusuntok daw ng amo sa tuwing nagkakamali.
Nalaman lang daw nila ang nangyayari sa kapatid nang i-post sa Facebook ng isa ring OFW ang mga larawan ng biktima.
"Kaya nananawagan po kami na tulungan niyo po ang aking kapatid na makauwi kaagad, habang buhay pa po siya kasi baka kung ano nang nangyari sa kanya doon," umiiyak na pakiusap ni Cultura. -- FRJ, GMA News