ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Imelda ipinamamadali ang paglilitis ng mga kaso sa Sandiganbayan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hiniling ni dating Unang Ginang Imelda Marcos sa Sandiganbayan na madaliin ang pagdinig ng 10 graft cases na inihain laban sa kanya. Sa isang mosyon na isinumite nitong Lunes, nakiusap ang mga abogado ni Marcos na magsagawa ang korte ng marathon hearings dahil nahihirapan na diumano ang 78-taon gulang na balo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos bungsod ng mga karamdaman nito. “The trial in the said cases has been ongoing for years now and at the slow rate it has been proceeding, may take some long years. The accused is now 78 (years) old and has been enduring the effects for sometime now of a variety of ailments which have afflicted her," isinaad nina Atty Benjamin C. Santos at Ray Montri C. Santos sa nasabing kahilingan sa korte. Nitong Lunes, sumailalim si Marcos sa executive check up sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City kung saan ang reseta diumano sa kanya ng doktor ay bumili ng bagong sapatos upang ibsan ang pressure sa kanyang nanghihinang mga tuhod. Nakilala si Marcos sa buong mundo dahil sa kanyang koleksyon ng libu-libong pares ng sapatos na naiwan sa Malacanang noong umalis sila papuntang Hawaii noong 1986. Kinasuhan siya noong 1991 sa pagtatatag ng apat na pribadong foundations sa Switzerland at ang paghawak ng mga negosyo habang miyembro siya ng Interim Batasang Pambansa mula 1978 hanggang 1984. Idineklara ding “ill-gotten wealth" ang $684 milyong nakadeposito sa naturang Swiss foundations noong 2003. Iniutos na ng korte na bawiin ng pamahalaan ang halaga. Nanumbalik lamang ang pagdinig sa mga kaso ni Marcos noong Disyembre matapos ang apat na taong pagkakaantala. Kasalukuyang nasa sala ni Associate Justice Ma. Cristina Cortez-Estrada ng Sandiganbayan Fifth Division ang pinagsama-samang 10 kaso laban kay Marcos. Nauna nang hiniling ni Justice Estrada noong Disyembre sa mga abogado ng gobyerno na madaliin ang pagpresenta ng ebidensya. Subalit umamin si lead prosecutor Wendel Barreras-Sulit na marami pa silang dokumentong kailangang markahan kaugnay ng Marcos foundations. Iginiit naman ng mga abogado ni Marcos na ang mahabang panahon ng paglilitis ay hindi patas para sa kanilang kliyente lalo pa’t may edad na ito. “The accused has been in a state of anxiety and serious concern with the pendency of the said cases without a more or less predictable time frame in the context of, and consistent with, her constitutional and statutory right to a speedy trial," sinabi ng mga abogado ni Marcos. “Under these circumstances, accused desires to invoke, as she hereby invokes, her right to a speedy trial, through the inclusion of the instant cases in the calendar of cases identified as proper and qualified for continuous trial," dagdag ng depensa. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV