ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Caretaker ng Caloocan restaurant na ginawang drug den, patay sa police ops


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

 

Napatay sa isinagawang anti-illegal drugs operation ng Caloocan Police ang isang caretaker na ginawa umanong drug den ang isang saradong restaurant sa Barangay 167 ng nasabing siyudad nitong Huwebes.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa "Balitanghali," kinilala ang suspek bilang si alyas Dave. Bukod sa kanya, dalawa pa ang naaresto na naaktuhan pang gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot.

Pahayag ni Senior Superintendent Chito Bersaluna ng Caloocan Police, nanlaban daw si alyas Dave nang isinasagawa ang operasyon.

"Nagkaputukan ang ating mga operatiba. Nu'ng naaktuhan na sila, bumunot agad ng kanyang baril," ani Bersaluna.

Samantala, patay din ang isa umanong drug pusher na nanlaban sa anti-criminality campaign ng mga awtoridad sa Barangay 176, Caloocan.

Ayon sa ulat, kinilala ang suspek na si Danny Dacumos, na isa umanong drug pusher at user.

"Biglang tumakbo. Nu'ng hinabol nila, pumasok dito at kumuha pala ng baril," ayon kay Bersaluna.

"'Yung mga nagaganap na holdapan dito. Sila ang suspek sa mga petty crimes at snatching. Kaya hindi tumigil," pahayag naman ni Rolly Cebu, Brgy. 176 Executive Officer ng Bagong Silang, Caloocan.

Ayon pa sa ulat, dati nang pinagbantaan ni Dacumos ang mga pulis nang una siyang sitahin ng mga ito.

Samantala, patay din ang isang lalaking pagala-gala at may baril sa Barangay 176 pa rin. Kinilala ang suspek na si Jonard Orticio na nakipagbarilan sa mga awtoridad.

Nakatakas naman ang kanyang kapatid na armado rin.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis sa Barangay 288, Barangay Tala, Caloocan, napatay naman ang tatlong hinihinalang drug user.

Ayon sa ulat, natagpuan ang tatlo sa isang bahay nang ituro sila ng nahuling drug pusher sa mga pulis.

Nakuha sa kanila ang isang kalibre .45, dalawang kalibre .38, isang sumpak, apat na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P125,000 at mga drug paraphernalia.

Hinahanap na ng mga pulis ang isang alyas 'Daga' na umano'y supplier nila ng shabu. —Jamil Joseph Santos/KBK/KVD, GMA News