Lalaking naglalakad binaril ng nakamotorsiklo sa Pasay City
Iniimbestigahan na ng mga pulis ang pamamaril sa isang taong naglalakad sa Pasay City.
Sa paunang imbestigasyon, sinundan pa umano ng nakamotor ang biktimang naglalakad lamang bago binaril, batay sa kuha ng closed-circuit television camera sa lugar.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa "Unang Balita" ng GMA News, kinilala ang biktima na si Angelus Corsame, na pinagbabaril habang naglalakad sa gilid ng Tramo Street ng nasabing lungsod nitong Miyerkules ng madaling araw.
Makikita sa CCTV na napalingon pa si Corsame sa nakamotorsiklo, ngunit nagpatuloy lang ito sa paglalakad.
Pagkababa ng suspek sa kanyang motorsiklo, hinabol at pinagbabaril niya ang naglalakad na si Corsame.
Makikita pa na nagawa pang makasipa ni Corsame habang patuloy siyang binabaril ng suspek.
Nang hindi na siya makagalaw dahil sa mga tama ng bala, agad nang tumakas ang suspek.
Idineklarang dead on arrival si Corsame sa ospital kung saan siya sinugod.
"Dati namin siyang residente, umalis na sila rito mga two years ago na [ang nakakaraan] pumupunta [lang] yan dito, pumapasyal para bisitahin mga kaibigan niya" ayon sa kagawad ng Barangay 60 na si Norilyn Rañeses.
Natagpuan sa pinangyarihan ang siyam na basyo at dalawang slug ng 9mm na baril. —Jamil Joseph Santos/LBG/KVD, GMA News