ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 patay nang mahulog sa maburak na mga creek sa Navotas at Malabon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang lalaki ang namatay mahulog sa mga creek sa mga siyudad ng Navotas at Malabon nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita, pasados alas-diyes ng gabi nang mahulog sa creek si Jesus Diaz habang nagbibisikleta sa Barangay NBBS sa Navotas.

Sinabi ni Fire Officer 1 Arbie Locahin na base sa natanggap nilang tawag, lasing si Diaz nang mangyari ang aksidente.

Ginamitan ng mga bombero ng ceiling hook sa paghahanap sa katawan ni Diaz sa maburak na creek. Naunang nakapa ang bisikleta at nang iangat ito ay kasama na si Diaz.

Idineklarang patay si Diaz sa ospital.

Samantala, isa pang lalaki ang nahulog creek sa Barangay Longos, Malabon bandang alas-onse naman ng gabi.

Umupo lamang ang lalaki, na inaalam pa rin ang pagkakakilanlan, sa gilid ng creek nang mahulog, ayon sa mga saksi.

Umabot ng mahigit sa dalawang oras bago natagpuan ang bangkay ng lalaki.

Ayon sa mga tanod ng Barangay Longos, pinagsasabihan nila palagi ang mga residente na huwag nang tumambay sa gilid ng naturang creek dahil may apat nang lalaki na naunang nahulog at namatay noong nakalipas na tag-araw.

Ang naturang creek ay may lalim na 15 talampakan at may burak sa ilalim kaya kapag nahulog ang tao ay mahirap nang makaahon. —ALG, GMA News