ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kaso ni Nora Aunor sa Amerika ibinasura na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Makababalik na sa Pilipinas ang aktres na si Nora Aunor matapos ibasura ng korte sa Los Angeles, California ang kasong pag-iingat ng bawal na gamot laban sa kanya. Sumailalim sa anim na buwang drug rehabilitation program ang tinaguriang "superstar" ng pelikulang Pilipino at natapos ito noong Lunes, Oktubre 1. Iniulat ng QTV Balitanghali nitong Martes na negatibo ang resulta ng drug test kay Aunor matapos ang anim na buwang rehabilitasyon. Mabubura na rin ang kaso ni Aunor sa talaan ng krimen sa Amerika matapos ang 18-buwan na “deferred entry of judgment" na iginawad ng korte noong Abril 2006 nang umamin ang aktres at mang-aawit sa kasong isinampa laban sa kanya. Sinabi ng abogado ni Aunor na kuntento na ang US court sa pagsunod ng aktres sa drug diversion program. Dahil sa pagbasura sa kaso, binalewala na rin ang pag-aresto kay Aunor noong March 30, 2006 sa Los Angeles Airport kung saan nakita sa kanyang hand carry bag ang walong gramo ng metamphetamine, or mas kilala sa tawag na shabu, at isang pipa na ginagamit sa paghitit ng bawal na gamot. Nakasaad sa desisyon ng korte noong Abril 2006 na bukod sa pagpasok ni Aunor sa drug rehabilitation program ay kailangan niyang magreport sa probation officer at magbayad ng multang $250. Ayon sa ulat, ikinatuwa ni Aunor ang desisyon ng korte. Hindi naman sinabi sa ulat kung may balak si Aunor na agad umuwi sa Pilipinas. Bukod sa pagkakasangkot ni Aunor sa droga, naging kontrobersyal din ang umano'y pagpapakasal ng aktres sa kanyang manager na babae na si Norie Sayo sa Las Vegas, Nevada noong Mayo. - Fidel Jimenez, GMANews.TV